KILALANIN SI ATE LOLIT: Ang buhay na Bayani sa Bayan ng Pilar, Bataan

Ako si Alyssa Ann T. Mendoza, 25 taong gulang, nagtratrabaho bilang Nurse Deployment Project (NDP) sa bayan ng Pilar, Bataan. Nagkaroon ako ng pagkakataon na kapanayamin si Lolita Santiago Ocampo o kilala bilang “Ate Lolit” ng Pilar RHU. Si Ate Lolit ay ipinanganak noong March 31, 1957 sa Sta. Rita, Guagua, Pampanga, bunso sa tatlong magkakapatid. Ayon sa kanya sya ay pinalaki sa pagbubukid ng kanyang mga magulang. Isang buwang gulang pa lamang siya ay iniluwas na siya ng kanyang mga magulang sa Panilao, Pilar Bataan upang duon makipagsapalaran sa pagbubukid ang kanyang mga magulang.


Ayon kay Ate Lolit, siya ay nag-aral ng elementarya sa Panilao Elementary School. Nag- aral ng high school sa Tomas Del Rosario Academy. Pinalad si Ate Lolit na mag aral ng kolehiyo sa Bataan Community College at doon siya kumuha ng kursong Midwifery. Nagtapos siya ng kolehiyo noong 1978. Hindi sya pinalad na makapasa ng board exam. Kaya noong taong 1979 nag- umpisa siyang magvolunteer bilang Barangay Health Worker sa Pilar Health Center hanggang 2007. Naging assistant din siya ng mga midwife sa pagpapaanak. Kung hindi siya kailangan sa center, si Ate Lolit ay nagbubukid kasama ng kanyang asawa upang makaipon ng pagkain nila sa araw-araw. Naging opisyal na kawani ng munisipyo ng Pilar si Ate lolit noong October 2007 bilang utility worker. Nabigyan na siya ng sweldo saa halagang simula noong 2007.


Si Ate Lolit ay naikasal kay Jose Acosta Jr. noong March 11, 1980 at biniyayaan ng tatlong anak na sina Joel, Maricel at Jovel. Hanggang ngayon, ang pamilya ni Ate lolit ay patuloy na nanirahan sa Panilao, Pilar Bataan.
Sa mga kuwento ni Ate lolit, nakakatuwang isipin na napagsabay niya ang pagiging volunteer at pagtratrabaho sa bukid. Sa umaga siya ay volunteer sa Pilar Health Center (tagalinis, tagatawag ng pasyente, katulong ng midwife sa pagpapaanak) at tuwing hapon naman, siya ay nagbubukid at namumulot ng pwedeng kainin ng kanyang pamilya sa maghapon.


Si Ate Lolit ay isang buhay na inspirasyon para sa kin. Nakakatuwang isipin na ang isang ina na kapos sa araw-araw na pangangailangan ay magagawang magsilbi sa bayan at patuloy na humanap ng paraan upang makatulong sa mga tao sa kanyang paligid. Sadyang di matatawaran ang kanyang kasipagan at dedikasyon umulan man o umaraw at ito ay kaniyang naipamalas sa loob ng 36 taon.
Tumayong “breadwinner” si Ate Lolit para sa kanyang mga magulang at tumayong magulang sa kanyang mga kapatid lalo na sa panahon na naging masakitin na ang kanyang mga magulang. Hindi malilimutan ni Ate Lolit noong nagkasakit ang kanyang ina, na gustong gusto niyang dalhin sa hospital, ngunit hindi niya nagawa dahil sa hirap ng buhay at kawalan ng pera. Nakita niyang nag-agaw buhay sa kanyang harapan ang kanyang ina ngunit wala siyang magawa kundi hawakan ang kanyang ina hanggang bawian ng buhay.


Sa kabila ng kahirapan at patuloy na mga problema, si Ate Lolit ay lumaban sa buhay at mas pinili nyang maging matatag para sa kanyang mga kapatid.
Sa aking pagtatanong kay Ate Lolit, nakita ko ang mukha ng isang taong masaya at mapagkumbaba. Mahal niya ang kanyang trabaho. Ayon sa kanya, ang pagiging volunteer ay nangangailangan ng malawak na pang-unawa at pasensya, pati na din ng puso sa tunay na pagtulong.


Maraming hindi malilimutang experiences sa kanyang trabaho si Ate Lolit, isa na dito ang pagpapaaanak sa ibat ibang lugar sa alanganing oras. Naranasan din niyang puntahan ng mga NPA upang magpa-anak sa mga liblib na lugar. Ikinuwento din niya na ang isang pasyenteng nag-aagaw buhay na dinala niya sa hospital at tinulungan. Nagkaroon ako ng pagkakatoon na makausap mismo si Aling Lourdes Ruiz, ang tanong natulungan ni Ate lolit. Bukod sa pagdala sa hospital, nakuha pa ni Ate Lolit na abutan ng tulong pinansyal si Aling Lourdes kahit na halos wala siyang kinita sa maghapong yun.
Si Ate Lolit ay naging miyembro din ng “Kabalikat” at naging president ng “Kalipi” ng apat na taon. Ito ay organisasyon ng mga kababaihan kung saan siya naninirahan.
Minsan daw sa buhay ni Ate Lolit ay umuwi syang naglalakad sa alanganing oras, dahil itinulong niya ang kanyang kaunting pera na dapat sana ay pambili nya ng pagkain para sa pamilya. Pero dahil naawa siya sa kalagayan nung isang nanay na kanyang tinulungang paanakin, ibinigay pa niya ang kanyang pera para may pambili ung nanay ng pagkain. Wala ng natirang pera sa kanya, kaya umuwi sya ng naglalakad sa gitna ng dilim sa kanilang bahay.


Sa pakikinayam ko kay ate Lolit, madaming bagay akong natutunan sa kanya at isa na dito ang taos pusong pagtulong sa kapwa ng walang hinihintay na kapalit sa ano mang oras. Wala rin akong masabi sa ipinakita niyang dedikasyon sa kanyang trabaho at maayos na pakikipag kapwa tao. Kung bawat empleyado ng gobyerno ay katulad niya na tahimik na nagtratrabaho, mapagkumbaba at laging may nakalaang oras para sa iba- tunay na magkakaroon ng pag unlad ang ating bansa. Hindi lamang sya isang volunteer, si Ate Lolit ay isang buhay na bayani ng kasalukuyang panahon. Buti na lang at nagkaroon ako ng panahon upang makilala ang taong ito. Tunay siyang inspirasyon sa akin.


This article was submitted by Ms. Alyssa Ann T. Mendoza to the National Economic and Development Authority Region 3 on September 2014 where Ms. Lolita Acosta was nominated for the Most Outstanding Volunteer of 2013.

 
Copyright 2014 by MUNICIPALITY OF PILAR, BATAAN. All rights reserved